profile links tagboard +follow
So let me tell you a little something about me. (TAGALOG VERSION)
Written with an inkless pen last Friday, July 15, 2011 at 5:42 AM
Hey, say something. :) (0)

Simpleng tao lamang ako na ipinanganak sa Mandaluyong, Maynila noong Nobyembre 24, 1996. Hindi ako gaanong maliit, hindi rin gaanong matangkad, kayumanggi ang balat, kulay tsokolate ang mata at may kaunting lahing espanyol. Kasama ko ang aking nanay, tatay at dalawang kapatid sa bahay. Katulad nga ng sinabi ko, simpleng tao lamang ako… ngunit may mga mataas na pangarap na nais abutin. Ang pangalan ko? Sofia Vera Dauag Valdez.
             
           Maraming tao ang naging bahagi ng aking buhay. Marami ang nakaimpluwensiya sa aking pagkatao, maging sa pagdesisyon ko. Isa na doon ang aking nakakatandang babaeng kapatid na si Friendly Loi Valdez. Noong ako ay bata pa, hindi kami gaanong malapit sa isa’t-isa subalit paglaki ko ay mas lalo kaming nagkasundo at mas lalo naming naintindihan ang isa’t isa. Sa kanya ako humihingi ng mga payo o opinion patungkol sa anumang bagay. Oo, kami’y madalas na mag-away bagkus hindi iyon ang dahilan para kami ay hindi magpansinan. Ako’y maraming natutunan sa aking ate, maging itinuro man niya ito o hindi. Kaya ako’y lubos na nagpapasalamat sa kanya sa epekto ng kanyang buhay sa akin.
              
          Sa aking palagay, ang isa sa pinakamahalagang lugar sa aking buhay maliban sa akng bahay na tinitirhan ay ang aking kristiyanong simbahan na ang Amazing Grace Christian Ministries, Inc. Kapangalan rin nito ang aking paaralan. Iyan ay dahil nagkasundo sila na hihiramin ng paaralan ang pangalan ng simbahan kapalit ng suporta nito. Pumayag naman sila. 27 na taon na ang aking simbahan na pinupuntahan at ito’y magiging 28 na taon sa darating na Oktubre 10, 2011.  Sa 14 na taon ng buhay ko, masasabi kong matagal-tagal na rin ako sa iglesiya na iyon. At masasabi ko rin na maganda ang naging epekto nyan sa aking buhay. Marami akong natutunan, marami akong naranasan at marami rin akong naging kaibigan lalo na ang aking matalik na kaibigan na si Camille Veras. Nagpapasalamat ako sa panginoon dahil ako’y pinili niya sa karami-raming taong itinawag niya upang sumali sa kanyang ministeryo. Dahil sa kanya, ako ay nagbagong buhay na.
                        Sa tuwing inaalala ko ang aking mga napagdaanan, naaalala ko ang mga pangyayaring di ko aakalaing mararanasan ko. Katulad nga lang noong isang araw nang ako’y nawala sa Enchanted Kingdom. Bata pa ako noon kaya mahilig akong magsipunta kung saan-saan. Ngunit dahil sa aking pagkabulagsak ay nawala ako doon at hindi ko na mahanap ang aking ina. Ako’y umiyak nang umiyak, subalit may mabait na babae na tinulungan ako at itinuro ang pinaghinalaan niyang nanay ko. Nakakatuwa nga iyon sa tuwing naaalala ko. Bata pa lamang ako ay gusto ko nang humayo at tumuklas ng mga mababagong bagay.  Ngunit bata pa ako noon, kailanganin ko pang maghintay.
              
          Sa totoo lang ay marami akong gusto. Sa bawat aspeto ng aking buhay ay marami akong gustong matutunan at palaguin pa ang aking mga talento, maging iyan ay patungkol sa sining, sa musika, sa panitikan o literatura, sa akademya, sa isports, at iba pa. Marami akong kayang gawin nang walang problema.  Ang ayaw ko lang ay ang aking katamaran. Minsan kasi’y marami akong gustong gawin ngunit ito’y natatabunan ng katamaran ng aking katawan. Hindi ko alam pero, kapag marami akong oras na pwedeng gawin ang isang bagay, iniiwan ko nalang siya para mamaya o bukas. Kapag naman wala na akong oras ay hindi ko na 
nagagawa lahat ng dapat kong gawin, resulta sa pagmamadali o “cramming.”
                     
 Oo, marami akong gustong marating. Ngunit ito lamang ay aking mararating kung ako’y pursegido lamang. Walang sinumang tao ang makakapilit kung ano ka, dahil ikaw mismo ang pumipili ng sarili mong desisyon. Ngayon ay aking napagdesisyonan na ipagpatuloy ang aking pag-aaral ng mabuti at gawin ang lahat ng aking makakaya sa tulong ng Diyos upang maabot ang aking mga pangarap at magbigay inspirasyon sa mga taong nais ring humangad sa ganitong pangarap.